Bilog ang buwan. Noong February 1, 1814 sumabog ang Mt. Mayon, alas-tres ng umaga. Bilog ang buwan noong February 4, 1814.
Hinatak na naman ng bilog na buwan ang lamang-loob ng Mayon noong February 2, 1993. Apat na araw pagkatapos, full moon.
Mamaya, August 9, 6:54 pm, magiging bilog na bilog ang buwan. Nangangamba ang mga taga-Bicol na muli na namang sasambulat ang bulkan sa mga panahong ito.
May siyentipikong basehan ang relasyon ng bilog na buwan at nag-aalburotong bulkan. Earth tide ang tawag ng PHILVOCS dito. Umaangat ang lupa sa tuwing may full moon, parang dagat, nahihila ng gravitation pull ng buwan ang kalaparan ng dagat.
Bilog ang buwan.
Pero may siyentipiko kayang basehan ang aking pagkabalisa/kalungkutan/katarayan sa mga panahong ito.
Nagising ako kanina dahil sa talak ng landlady ko. Naisip ko, hindi ko na pala dapat binili ang alarm clock na nagsasalita.
Pero ayokong bumangon. Dalawang beses akong nagigising sa umaga: isang bandang alas-siete at bandang alas-nueve y media. 'Yung una, sinanay ko ang sarili para sa maagang call time. 'Yung ikalawa, sa normal na pag-inog ng mundo.
Buong araw badtrip ako. Kung badtrip ko, hindi ako nagsasalita. Isinasara ko ang lagusan ng aking angas. Hindi rin ako nakikisalamuha sa mga taong araw araw ngang nakikita pero wala pa ring mga pangalan. Kawawa naman sila 'pag nagkataon.
Kaututang dila ko ang yosi. Tahimik siyang kasama. Maikli nga lang ang aming pagdadaupang palad.
Hindi ko alam, hanggang sa dumating ako sa newsroom na bilog pala ang buwan. Kaya pala, nasabi ko sa sarili.
Bilog ang buwan. Kung kaya niyang higitin ang tubig at lupa, bakit hindi akong taga-lupa?Hinihila niya ang lamang-loob ko. Hinahalukay niya ang matagal nang nakalibing na lungkot. Ginigising ang mga dati nang kinatakutan at hindi kasiguruduhan (naaalala ko si H. at P.). Binubuhay ang matagal nang namayapang pag-ibig, pag-asa, at pagkahumaling.
Tunay na nakakagambala ang napipintong pagsambulat.
Wednesday, August 09, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment