Binuo kita mula sa pira-pirasong impormasyon. Tinahi ng sinulid ng imahinasyon. Bente tres anyos. Hip-hop. Medyo payat.
"Ano itsura ng mata mo?" tanong ko sa 'yo. Nakahalukipkip ako sa malamig kong unan na walang buhay, tumatawid at nagtatagpo, ilusyon/imahinasyon sa wireless na daigdig.
"Okay lang," nahihiya mong sagot.
Ano ang okay lang, tanong ko sa sarili. Singkit. Malaki. Makapal pilik-mata? Malaungkot? Nangungusap. Masungit?
"Ikaw?" balik mo sa akin.
"Well ..." mukhang hindi ko rin masagot sarili kong tanong.
"Ano ginagawa mo?" tanong ko na lang.
"Patulog na," sabi mo.
Alas-dose na ng hatinggabi. Mag-aaklas nang unti-unti ang umaga. Kakauwi ko lang.
"Ikaw?" tanong mo.
"Ito, nakikipag-usap sa 'yo," sabi ko.
"Anlamig dito," bigla mong sabi.
"Huh?"
"Malamig dito."
"Bakit?"
"Naka-sando lang ako at briefs," sabi mo.
"Kaya pala e ... hug kita?" panunukso ko.
"Ok lang," sabi mo.
Binuksan na natin ang pinto ng pagnanasa.
Papasok na tayo sa oras ng pagniniig ng pangungulila at pananabik.
Wednesday, June 22, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment