Pa'no ko sasabihin ang mga pagnanasang walang katapat na salita?
Sa pamamagitan, siguro, ng pag-iwas sa mga tingin mo, habang nag-uusap tayo. Titingin na lang sa 'yong mga labi kesa sa mata mo. Nakakatakot tumitig. Baka lamunin ako sa pagpikit mo.
Lilingon-lingon. Papansinin ang mga tuyong dahon sa daan, walang buhay, walang saysay pero parang gusto ko silang kausapin. Itsitsismis na katabi ko ikaw, at kausap.
Titingin sa malayo, sa isip, tatakbo, tatakas, tatago.
O sa yosi ibabaling. Sa usok, basahin mo ang gusto kong sabihin.
Sa tabi mo, papaligiran ako ng bakod ng aking hindi kasiguruduhan, ikukubli ang tunay na nararamdaman, itatayong parang tore ang aking pagsisinungaling na hindi kita gusto.
Pero habang nasa tuktok ng tore sa langit, sisilip ako sa bintana nito at maghahanap ng konting ngiti mula sa iyong mga labi.
At 'pag natagpuan, guguho na lang ako ng kusa.
Saturday, July 02, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
"The pleasures of love are pains that become desirable, where sweetness and torment blend, and so love is voluntary insanity, infernal paradise, and celestial hell -- in short, harmony of opposite yearnings, sorrowful laughter, soft diamond."-umberto eco
Post a Comment