SA MGA TULAD N’YO
Para kina Weng at Joel
Konti lang ang mga tulad n’yo
Na minsan, sa isang yugto
Natagpuan ang pinakahanap-hanap
Ng Sangkatauhan: pag-ibig
‘Di tulad n’yo
Maraming sinasarili, mga pighati
At ang mga pangarap, parang lobong
Pinalilipad ng solo
‘Di tulad n’yo
Sa gabi, ang ilan sa atin, mapait ang hikbi
Impit na sigaw ng damdamin
Sa mga unan lang, umaalingawngaw
‘Di tulad n’yo
Marahil, ang iba sa atin, mapapagod,
Magsasawa, matutuyo ang luha’t
kailanman ‘di na matatagpuan
Ang pinakahanap-hanap
Ng Sangkatauhan.
Pero para sa mga tulad n’yong
Mas pinalad at nakadaupang palad
Ang kabiyak ng puso’t isipan
Ipaglaban, ang pinakahanap-hanap ng Sangkatauhan
‘Wag mapapagod, ‘wag magsasawa
Dahil konti lang, tulad n’yong biniyayaan
Lunggati ng Sangkatauhan.
Thursday, May 12, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment