Hangga't buhay si Richard Gomez, may bangungot ako.
Isang madugong pagsusulat ang istorya ng tax evasion ni Richard Gomez. Tuwing Huwebes, nasa Department of Justice (DOJ) ang Bureau of Internal Revenue (BIR). Dati sinampahan na nila ng kasong tax evasion si Richard.
At ngayon, kaninang umaga, andun ulit sila para sana sa preliminary investigation sa kaso ni Richard. But no! Meron pa palang bagong kaso ang BIR at ito naman ay laban sa manager ni Richard na si Douglas Quijano.
Si Douglas ang tumatayong manager ng "Harte Beest Entertainment Corporation" na isang kumpanyang tinayo ni Richard noong 1994. Pero inilipat na ni Richard kay Douglas ang pamamahala sa kumpanya.
Nung file-an ng tax evasion si Richard, binusisi na rin ng BIR ang tax record ng Harte Beest, at lo and behold, hindi nagbabayad ng tax raw ang kumpanya. Ang Harte Beest ang parang agent ni Goma dito nagbabayad ng TF ang mga kumukuha ng serbisyo ni Goma.
Noong 2000-2001, nagdeklara silang "no operation" pero sa rekords raw ng BIR, tumanggap sila ng kulang kulang P17-milyong piso na talent fee ni Richard galing sa ABS-CBN. Imagine, P17-milyon, sa dalawang taon. Eh, parang habambuhay kong kikitain ang lahat ng ito.
Anyway, nadiskubre rin ng BIR na hindi nag-file ng income tax return ang Harte Beest kahit pa nakatanggap ito ng P7-milyong pisong TF na galing sa ABS at VIVA.
Tinawagan ko si Douglas Quijano. "Sir, reaksyon lang sana dahil fafaylan kayo ng kaso ng BIR," sabi ko sa kanya sa telepono.
"Oo nga e," sabi niya. "Sa abogado ko na lang. Si Atty. Puno," sabi ni Douglas.
"Sir, ano po ang pangalan ni Atty. Puno?" tanong ko.
"Hindi ko alam e. Pero baka mamya nasa hearing siya," tugon niya.
"Sino ba kinasuhan?" tanong naman niya sa akin.
"Sir, sabi raw ho kasi sa tax code, pag corporation, ang sinasampahan ng kaso, President, Treasurer at General Manager. E wala naman raw 'hong ibang nasa record kundi name n'yo. Kayo lang ho," sabi ko.
"Aray ko!" sagot niya.
Nakakatuwa siyang kausap. Pero hindi iyan ang topic ng entry na ito.
Ang topic: ang madugong pinagdaraanan ng mga istorya ni Goma.
Bumalik ako sa opis pagkatapos mag-alas tres (maga-alas kuwatro na ata) para sulatin ng maaga.
Drinafy ko siya. Kinwenta ang mga hindi nabayarang tax chuva. Sinulat.
Binigay sa desk. Tsinek ni Ma'am Tex. Go nya.
Nasilip ni Ma'am Jess.
Binusisi ang script. Ni-rephrase. Ni-rephrase. Tinuruan ako ng mga graphics ek. Graphics pa ulit.
Go na nya.
Nag-time code. Antagal mag-time code kasi ayaw ibigay sa akin ang tape dahil ginagamit pa raw sa isang istorya. Take 1 ang istorya. Alas singko pasado na. O siya, bahala na.
Naibigay na rin ang tape. Nakapag-TC na rin ako.
"Nasan na ang mga file videos!!!"
"Douglas, penge pa kami file!"
"15 minutes to air!"
Sigawan sa office. Kulang ang video ni Douglas. "O siya tapalan ng document!"
"3 minutes to air!"
"Bloke mo na!"
Hindi ko na maalala kung sino ang mga nagsasalita. Kung sino ang sumisigaw. Sino ang nagkulang ng bigay ng video.
Itinakbo ang edited tape. Inere.
"San si Morong?" tawag ni Ma'am Jess (Soho).
"Ma'am!" tugon ko mula sa di-kalayuan.
"Bantayan mo ang graphics mo," sabi n'ya.
Takbo kami pareho sa control booth.
Humihingal na pinanood ang istorya ng hindi pagbabayad ng tax ng kumpanya ni Goma.
Tama naman ang timing ng graphics.
Nakahinga ako ng maluwag. Natapos rin. Nairaos rin.
Tuwing Huwebes, ganito ang istorya ko. Hindi ko alam kung sino ang sisihin ko. Ang BIR dahil iniisa-isa pa nila ang filing sa halip na isang buhos na lang. O ang mga taong hindi nagbabayad ng tax tulad ni Richard dahil binibigyan nila ng trabaho ang BIR na maghabol sa kanila. Ang laki na ng sweldo, nandadaya pa.
Kami, kakalatsan ang kakarampot na sweldo.
Noong last pay day, P500 lang sinuweldo ko. Ayaw kong i-tsek ngayon. Baka himatayin lang ako. Sa pagod at sa sama ng loob.
Thursday, May 05, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment