Wednesday, May 11, 2005

EKSENA NG PAG-AAKLAS

Eksena ng pag-come out ng mga anak ni Darna. (Ang kanilang mga identidad ay may konting embellishment para protektahan

SA AMERIKA

PUNKISTA A. MARQUEZ, 20-somethings na manunulat, guro dati sa isang eskwelahan. Nasa isang malawakang beautification project ng sarili.
Sa isang lugar sa Norte. Uuwi siya kasama ang isang bading na kaibigan. Alas-3 ng madaling araw. Nagmalasakit siyang isama sa bahay ang bakla niyang kaibigan dahil hindi niya maaatim na pauwiin ang kaawa-awang nilalang sa Barrio ng loka.
Papasok sila sa bahay. Makikita sila ng kaniyang nanay. At walang patumanggang opening statement ng ina niya.
"Sino ka?! Bakit ka nasa bahay ko? Sino ka?" nagagalit na tanong ng nanay niya.
Nagpakahinanon si Punkista. Buntong hininga, sabay paliwanag sa nanay niyang nagdidilim ang paningin.
"Ako po si Punk, anak n'yo po ako," tugon niya sa nanay niya.
"Hindi kita anak!" bulyaw ng nanay niya.
Nakita ni Punkista ang nakangiting graduation picture niyang nakabitin sa dingding nila. Counter-argument niya sa nanay niya.
"Eh, sino po siya? Ako po si Punk," inulit niya.
"Ang tunay na Punk, ay nasa Amerika! Nasa Amerika siya!" sabi ng nanay niya.
Nang ikwento ito ni Punk sa amin, wala na raw siyang nagawa kundi umalis na lang ng bahay. At umuwi sa malayong barrio ng kaibigan. Umalis at iniwan ang mga tanong kung bakit ganun ang naging reaksyon ng nanay niya. Eh, matagal na siyang nagparamdam dati at parang nasabi na niya ang tunay niyang oryentasyon.
Denial stage? Coping mechanism? Or resentment.
Sa Amerika? Nandun ang tunay na Punk? Parang simbolikong pagtatapon. In-exile ng nanay. Pwede siyang maging bading. Pero hindi sa harap nila.

SA BANYO
Naliligo ang ating ikalawang bida, si Jepoy. Kauuwi lang niya sa probinsiya matapos ang matagal-tagal ding pagkawala at hindi pagpaparamdam sa mga magulang.
Nasa kusina ang kanyang nanay, naghuhugas ng plato. Kalapit lang ng kusina ang banyo. Nagkakarinigan silang mag-ina.
"Oy, Jepoy. Bakit di ka na lagi umuuwi?" pambungad na pananalita ng kanyang nanay.
"Ha? Busy sa work kaya," tugon sa nanay habang nagsa-shampoo ng buhok.
"Baka may pamilya ka na dun sa Maynila ha! May anak ka na siguro!" sabi ng nanay niya.
"Hahahahhaha! Anak? E, kulang nga sweldo ko para sa sarili ko. Anak?!" humahagalpak na sagot sa nanay na imbestigador.
Sa loob ng banyo, gustong magbale-balentong ni Jepoy. Iikot, sisirko. Kakain ng sabon. Bubula ang bibig.
"Anak? Hehehehehe. " Humahalakhak ang imahinasyon ni Jepoy.
"Ano ba kayo? Kung ano-ano iniisip n'yo. Imposible kaya 'yun," sabi ni Jepoy sa nanay niya.
Imposible 'yun.
Nagsalita ulit ang nanay niya: "Mambabae ka na lang. Kesa manlalaki ka."
Namatay si Jepoy. Natumbok ng nanay niya. Pero nilamon na siya ng tiles ng banyo. Bumuka ang lupa, kinain siya derecho sa poso negro.
Hindi na siya nakaimik sa madaling salita.
"Alam na kaya ng nanay ko," inisip ni Jepoy.
Pero sabi nga, what they don't know won't hurt them. Pero nakakatuwang isipin, kung naisip lang ng nanay niya ang implikasyon ng sinambit niya. Hindi kwestiyon kung papatol si Jepoy sa kapwa lalaki. Alam na niyang kaya nito. Pero huwag. Huwag.
O magkakabasagan ng pinggan (at mukha) sa banyo. O ibabaon siya sa poso negro.



1 comment:

Suyin said...

ahahaha! kilala ko ang mga karaktir na ito! uy sensya na pala dehins nakarating sa launch. :( maganda ba ang folio? ;)