Saturday, August 16, 2008

September 16,2005

Three years. That's how this post is. Dug it from my other blog to check my progress. Apparently, not very succesfully. 

Erased

Iyon na marahil ang pinakamalungkot na pag-iisang dibdib. Sa altar, solo akong humarap sa paring pagal. Nagmamadali pero hindi niya alam ang sasambitin.

"You may now kiss the bride?," sabi n'ya, palinga-linga.

"Trick question ba s'ya father?" tanong ko. Kung hawak ko lang ang bulaklak ay naihampas ko na sa kanya.

Walang bulaklak. At wala ring ibang tao sa simbahan. Dalawang kandila ang nakatirik sa magkabilang tabi ng pari. Pero para sa akin 'yon.

"So ano'ng gagawin ko sa 'yo?" naiinis na tanong ng pari.

"Hindi ko rin alam," ang nasabi ko na lang.

"Bumalik ka na lang 'pag may kasama ka nang babasbasan ko. May burol pa akong pupuntahan," pakiusap ng pari.

Tinitigan ko lang siya.

"Maghanap ka. Huwag 'yong magdadrama kang pupunta dito ng mag-isa," naiinis na niyang sabi habang sumulyap sa relo niyang ginto.

Tinitigan ko lang siya.

Tumitig lang siya pabalik.

Tiningnan ko lang siya ulit. Ang kanyang mga labi. Ang matang nagniningning at sing-itim ng aking dilim ng pangungulila. Ang kanyang makapal na pilikmata.

Dumausos ang aking titig sa leeg niyang may butlig butlig na pawis. Sa parte ng kanyang leeg kung saan nag-uugnay ang dibdib at leeg. Minsan na akong nakatulog doon.

Tumungo siya.

Muli, pilit ko siyang tiningnan.

Umatras siya. At naglakad palayo sa aking kinatatayuan. Inihatid ng aking pananaw ang paring tumalikod. Hanggang sa nagsara ang pintuan ng simbahan.

Dilim.

Paano ko sasabihin na pinakasalan ko na ang aking nakaraan. At nabiyuda na rin ako nito.

Pag-aari ako ng aking nakalipas

No comments: